Ikaw at ang Buwan

anime-stargazing

12:47am, full moon.

Kanina lang nasalubong ko ang litrato mo sa net. Nakangiti, mayroong sinasabi ang iyong mga mata na kahit kailan ay hindi ko nakita nang makapag-usap tayo sa parking lot ng Ateneo. Dun sa bench na nakasandal sa malaking puting pader ng kung anong building.

Makulimlim ang langit noon. Tanghaling tapat pero hindi dumudungaw ang araw. Baka nagsawa na rin sa ating dalawa, nainip dahil inabot na tayo ng isa’t kalahating taon ay hindi pa rin tayo sigurado kung gusto natin ang isa’t isa. Isang malaking kulay abong ulap ang pumayong sa atin, parang naghihintay ng signo kung kelan niya ibubuhos ang kanyang humahagulgol na ulan.

Kahit na tayong dalawa lang sa lugar na iyon, mayroon pa ring malaking patlang sa pagkakaupo natin, nagtataka na rin ang mga kuliglig kung bakit tayo ganun. Matagal na pala iyon. Mas maganda ka ngayon kumpara nung nakaraang dalawang taon, noong huli tayong magkita sa Ateneo. Kung hindi kasi tayo nag-usap noon malamang hindi kita ngayon hinahagilap sa net.

Sabi ko sa iyo marami ka pang makikilala sa darating na panahon –na hindi natatapos ang araw sa pagbaba natin ng telepono matapos tayong mag-usap ng ilang oras. Tanong ko sa iyo, “mag-ano ba talaga tayo?” Isang taon na tayong nakikipaglaro kay kupido, malamang siya rin ay napagod na sa pakikipaghabulan sa ating dalawa, nawalan ng pag-asang iakma ang kanyang pana at tamaan tayo sa isang kumpas. Pero walang panaang naganap. Walang nangyari.

Tinanong ko sa iyo kung gusto mo ba akong mawala sa buhay mo para maging masaya ka. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para hindi na tayo mahirapan ipaliwanag ang malabong litrato nating dalawa. Binulong mong hindi. Binulong mong huwag kong gagawin yun. Binulong mong mas ok kung hindi tayo mawawalan ng komunikasyon sa isa’t isa habang gumigilid ang luha sa iyong kaliwang mata.

Sabi ko kahit hindi tayo dumating sa isang romantikong relasyon, basta hindi natin babasagin ang manipis na salaming naghihiwalay sa atin, upang hindi tayo malayo sa paningin ng isa’t isa. Basta huwag.

Matagal na pala iyon. ‘Ni hindi ko na sigurado kung ito nga ba ang tunay na nangyari.

Naalala ko pa noong isang pasko, nang una kitang pinuntahan sa bahay niyo. Bitbit ang isang mangkok ng haleang ubeng gawa ng nanay ko at isang kahong brownies, kinatok ko ang bahay niyo bandang ala-una ng umaga. Nagulat ka noon, sobrang gulat mo siguro tuloy hindi mo na naisipang papasukin ako sa loob. Umuwi na lang akong nakangiti.

Simula noon bawal nang hindi tayo magkausap sa telepono o sa text man lang. Hanggang sa pag-akyat ko ng bundok hindi kita maiwasang tawagan. Nakabantay kasi ang buwan sa ating dalawa. Pareho niya tayong inaakit tuwing namimilog siya sa langit ng ating mga bintana.

“Sana ‘andito ka. Sana kasama kita dito. Malamig pero anlapit ko sa buwan. Naaalala kita. Sana andito ka.”

Kaya’t tuwing nakikita ko ang buwan, nakikita kita. Isang malaking salaming bumubuntot sa ating dalawa san man tayo pumunta, magkasama man o hindi. Magkaaway man o magkabati.

“Balang araw iaakyat kita dito.”

Low bat.

Nakakatawang isipin na ang cellphone na siyang unang nagpalapit sa ating dalawa ang siyang magbibigay tuldok sa lahat. Apat na text messages lang ang aking katapat. Ang magkakasunod na message alert tone ang umagaw ng aking pagkakatulala.

Maraming salita, puro Inggles. Puro paliwanag, puro lohika at rasyunal. Isang Hallmark Card na hindi tungkol sa pag-ibig.

Madalas tayong magdebate sa buhay, lalo na sa dalawang unibersidad na napasukan natin. Noong minsang isinama mo ako sa Katips ay nanlumo ako sa estado ng kabataan doon. Parang pekeng Pilipinas, sabi ko sa sarili. Madalas ko kasing punahin ang estado ng mga estudyante doon, lalo na ng mga apatetikong mga tao sa lipunan.

Marami tayong napagkukuwentuhan at napagmumuni-munihan. Tungkol sa mga aktibo at pasibo, sa mga masa at mga konyito’t konyita. Tungkol sa isang mundong puro baluktot at iilang matuwid. Tungkol sa pinagkaiba ng mga Isko at ng mga Arneyan. Tungkol sa isang bansang mayroong dalawang mukha. Siguro, habang nagpapanting ang tenga nating dalawa sa mahahaba nating diskusyunan sa telepono, text at e-mail, ay tungkol na rin sa pinagkaiba nating dalawa.

Sinuyod ng aking mata ang lcd screen ng 3310 ko. Dahan-dahang iniskrol ang mensahe mong hindi matapos-tapos, hindi matarok ng ulo ko ang mga sinasabi mo. O ayaw ko lang talagang intindihin?

Apat na mensaheng magkakarugtong, iisa lang ang sinasabi:

“I don’t want to do anything with you anymore.” Hanggang sa huli mong binigkas na mga salita ay pinatunayan mong Atenean ka pa rin.

Battery Empty. Katahimikan.

Bumalik ako sa pagkakatulala. Nakita ko nang parating iyon, matagal na. Ang sa akin lang ay nag-iisip na ako ng paraan kung paano pigilan ang pangyayaring iyon noong dumating ang masamang balita. Sana lang ay naunahan kita bago mo ako pinaglaho.

Binasag mo ang salamin sa pagitan nating dalawa, ngunit sa halip na magkadampian ang ating mga balat matapos ang mahabang paghihintay ay tuluyan na tayong nabulagan ng mga bubog nito. Hindi ko na iniwasan ang pagtama ng iyong desisyon sa aking mga mata. Mangyayari din yun balang araw, iyon ang paliwanag ko sa sarili.

At hindi na kita nakita. Dalawang taon na kitang hindi makita. Naka-ilang bundok din akong ginapang sa pag-asang makikita ko ang repleksiyon mo sa sinasamba nating buwan, ngunit tsaka ko lang malalamang maulap ang langit kapag nakarating na ako sa tuktok nito. Sana’y hindi na tayo nagkita sa Ateneo noong nakaraang taon. Sana’y naisama kita sa isang akyat ko maski isang beses man lang.

At ngayon, nakatitig ako sa litrato mong hindi ko maiwasang i-download sa net. ‘Ansarap titigan ng iyong mga matang nangungusap. ‘Ansarap isiping nakilala kita kahapon, nakasama at nakakuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay. ‘Ansarap ng pakiramdam ng muling pagkikita, personal man o hindi, ng dalawang nawawalang kaluluwa dahil ngayon lang kita tunay na napagmamasdan. Matapos ang tatlong taon ay ngayon lang kita tunay na naiintindihan.

Mas maganda ka ngayon, katulad ng buwan.

###############
Para sa isang minamahal kong kaibigan na minsa’y nawala ngunit ngayo’y natagpuan.

Credits from _sQuid of peyups

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s